Monday, November 28, 2011

Alamat ng Parol by Rene Villanueva

I wanted to use Rene O. Villanueva's Alamat ng Parol for my class readings in Filipino for the eight graders this week but I think it is "too heavy" for them. I was on my third paragraph when I decided, upon evaluation, that the material was indeed too much for their Filipino language skills. But instead of ditching the story, I thought of sharing the whole work here.

Alamat ng Parol is part of a compilation book called 12 Kwentong PAmasko by Rene O. Villanueva with illustrations of May T. Tobias. Published nad distributed by Tahanan Books for Young Readers.

Read and find out this gem from the master storyteller Rene Villanueva:


Alamat ng Parol
ni Rene O. Villanueva

Noong araw, may isang bata na Tiririt ang pangalan.

Tiririt ang ipinangalan sa kanya dahil nang ipanganak siya, may humuhuning ibon sa labas ng bintana habang nagpapalahaw siya ng iyak sa kauna-unahang pagkakataon. Pero dahil sa sobrang lakas ng iyak niya, halos walang nakapansin sa ibong iyon kundi ang tatay niyang pinagpapawisan nang malapot sa sobrang kaba!

Nang lumaki si Tiririt , saranggola ang naging paboritong laruan niya. Gustong-gusto ni Tiririt magpalipad ng saranggola. Kasi, akala niya’y wala nang ibang kailangan pa sa pagpapalipad ng saranggola kundi dalawang matutuling paa.

Pero ang talagang gustong-gustong-gustong gawin ni Tiririt ay hindi lang makapagpalipad kundi makagawa ng saranggola!

Kaya isang araw, pinuntahan ni Tiririt ang tatay niya habang nagkakayas ng kawayan para sa gagawin nitong papag. Ang tatay ni Tiririt ang pinakasikat na tagagawa ng papag sa buong Baryo Tanglaw.

“Tay, paturo naman pong gumawa ng saranggola.”

Dalawang bilog na bilog na titik O ang nakita ni Tiririt sa magkabilang pisngi ng tatay niya na nakapagitan sa isang pagkatamis-tamis na ngiti.

Pumutol ang tatay ni Tiririt ng ilang pirasong maninipis na patpat mula sa kawayan. Tapos ay pumasok ng kubo. Paglabas nito’y may dala nang kulay pulang papel de japon. May dala rin itong isang dakot na kaning lamig saka gunting.

“Heto ang kailangan natin, Tiririt, panoorin mo muna ako.”

Parang nagsasayaw ang mga daliri ng tatay ni Tiririt sa maliksing paggupit at pagtiklop ang mga daliri ng tatay ni Tiririt sa maliksing paggupit at pagtiklop sa pulang papel at sa paglalapat sa mga patpat ng kawayan; at pagligis ng mga butil ng kaning lamig para idikit ang patpat sa papel.

Ilang sandali pa, namamulagat si Tiririt sa nayaring saranggola ng tatay niya. Naisip niya, madali pala ang paggawa ng saranggola!

Pero hindi kaagad nakagawa ng sarili niyang saranggola si Tiririt, paano’y kailangang umalis ang tatay niya at magpunta sa bukid.

Nagtataka si Tiririt nang madilim na’y di pa rin umuuwi ang tatay niya. Siguru’y maraming ginagawa sa bukid.

Mataas at bilog na bilog na ang buwan nang mapansin ni Tiririt  na medyo alumpihit ang nanay niya. Di pa rin bumabalik ang tatay niya.

Kinuha ni Tiririt ang saranggolang ginawa ng tatay niya saka naghintay sa may punong-hagdan ng kanilang kubo. Napansin niya na unti-unti nang lumalamig ang hangin

“Disyembre na nga pala, malapit na ang Pasko,” sabi ng tatay niya sa nanay niya kaninang umaga.

Nakatulugan na ni Tiririt ang paghihintay. Wala siyang kamalay-malay na ang hawak-hawak na saranggolay parang umalagwa sa pagitan ng kanayang maliliit na kamay, nasabit sa baytang ng hagdan at napunit ang tadyang.

Kinabukasan, madilim-dilim pa nang marinig ni Tiririt ang mga iyakan at usapan sa loob ng kanilang kubo.

“Biglang lumaki ang ilog.”

“Pinulikat si Intin.”

“Lumusong si --------.”

“Hindi na lumutang muli.”

Nang lapitan ng nanay niya si Tiririt, napansin niyang pulang-pula at tila maga ang mga mata nito. Gustong magtanong ni Tiririt pero wala siyang nasabi. Kaya tahimik siyang pumasok sa loob ng kanilang kubo at nahiga siya sa papag na ginawa ng tatay niya. Sa pagkakapikit ni Tiririt, parang naramdaman niyang yakap-yakap siya ng tatay niya.

Ikukwento sana niya sa nanay niya ang napanaginipan niya pero natawa sa sarili si Tiririt. Bakit naman siya yayakapin ng papag? E wala naming mga kamay ang papag na kawayan, meron lang itong apat na paa.

Nagtaka si Tiririt dahil ilang ulit nang lumiwanag at dunmilim ay hindi pa rin umuuwi ang tatay niya. At halos hindi nagsasalita ang nanay niya kahit ilang gabi ring parang may handaan sa bahay nila. Ang daming-tao at ang liwanag! Pero inuman lang nang inuman ng kape ang mga naroon. At may mga nagdarasal.

Naisip ni Tiririt, Siguro, malapit na kasi ang pasko.

Isang gabi, habang nasa punong-hagdan ng kubo nila si Tiririt at muling naghihintay sa pagdating ng tatay niya, lumapit ang nanay niya at kinalong siya. ‘Yung kalong na parang halos yakap na rin. Dahil magkasalikop ang dalawang braso nito sa katawan niya.

“Tiririt, may ikukwento ako sa iyo.”sabi ng nanay niya matapos siyang siilin ng halik sa pisngi.

At nagkwento ang nanay niya kay tiririt tungkol sa unang Pasko. Tungkol kay Hesus ns ipinanganak sa isang sabsaban. Tungkol sa Tatlong Hari na ngahanap kay Hesus. At kung paano hirap na hirap ang Tatlong Hari bago nakarating sa sabsaban. Mabuti na lamang, isang bituin ang gumuhit sa langit. Maliwanag at may mahabang-mahabang buntot.

Ang saya-saya ni Tiririt pagkarinig sa kuwentong iyon. Kahit nagtataka siya kung bakit tumulo an gluha ng nanay niya sa kanyang balikat.

Kinabukasan, naglalaro si Tiririt sa pagawaan ng papag ng tatay niya nang Makita niya ang punit na saranggola. Nakalimutan na niya iyon. Siguro, dahil naging magulosa bahay nila makaraan ang gabing nabitawan niya sa antok ang saranggola  sa may punong hagdan.

Dinampot ni Tiririt ang saranggola. Gagawin ko uli. Ipapakita ko kay Tatay na maunong na akong gumawa ng saranggola, naisip ni Tiririt.

Kumuha pa siya ng ilang pirasong patpat ng kawayan. Saka niya sinimulan ang paggawa ng saranggola. 

Inalala niyang mabuti kung paano parang nagsasayawan ang mga daliri ng tatay niya habang binubuo ang saranggola. Minsang umahon, minsang lumusong sa hangin. Minsang lumapat sa papel; minsang humaplos sa kawayan. At nang nagsimulangkumilos ang mga kamay ni Tiririt; lumusong at umahon din ito sa hangin, lumapat din ito sa papel at humaplos sa kawayan. Parang  sumasayaw sa hangin at sa papel, habang nagupit at nagtitiklop ng papel de japon at nagliligis ng kanin para idikit ang papel at kawayang patpat.

Pinawisan si Tiririt. Bahagyang nanakit ang kanyang mga braso. Pero ang mga kamay niya’y parang maliliksi ri, tulad ng mga kamay at daliri ng tatay niya. Kaya lang, nang matapos si Tiririt, napuna niyang hindi kamukha ng saranggolang ginawa ng tatay niya ang nagawa niya.

Parang iba ang ayos, sabi ni Tiririt sa sarili. Parang bituin ang hugis.

Lalo siyang nagtaka nang subukan niya itong tayantanging sa hangin. Talagang malamig na noon, nararamdaman niya. Subalit kahit anong bilis ng takbo at hila sa pisi, ayaw tumaas ng kanyang saranggola.

Nalungkot nang bahagya si Tiririt.  Nagkamali yata ako...

Pero hindi siya nawalan ng tiwala sa sarili, dahil naalala niya ang ngiti ng tatay niya.

Ilang ulit sumubsob sa lupa ang “saranggola”  ni Tiririt. Pero hindi naman nasira. Nang magsawa siya sa pagtatangkang paliparin ang saranggola, pinulot ito ni Tiririt saka dinala sa loob ng bahay.

Nang madilim na’y naisip ni Tiririt na isabit ang kanyang saranggola sa may bintana, para pagdating ni 
Tatay, Makita agas niya ang ginawa ko.

Kumuha si Tiririt ng bangkong kawayan, gawa rin iyon ng tatay niya. Sumampa siya rito para maabot ang bintana. Dumukwang siya sa labas ng bintana saka tumingkayad sa bangko para maabot ang kawayang pagsasabitan sa kanyang saranggola. Muli, parang nagsayaw sa hangin ang kanyang mgaliliit na daliri 

Nailusot niya sa pagitan ng kawayan at pawid ang pising nakakabit sa ulunan  ng kanyang saranggola. 

Maingat niyang ibinuhol ang pisi. Para huwag malaglag sa lupa ang ginawa ko para kay Tatay.

Nang maikabit na ni Tiririt ang kanyang kakaibang saranggola, napansin niyang nilaro agad ng malamig na hangin ang dalawang malagong buntot nito. Bakit nga ba malago ang ginawa niyang buntot? At dala-dalawa pa?

Nang Makita ng nanay ni Tiririt ang kanyang saranggola, sinabi nitong kumukha iyon ng bituing nagturo sa Tatlong Hari sa daan papuntang sabsaban para Makita si Hesus.

Naisip ni Tiririt, sana’y ituro din ng saranggola sa tatay niya ang daang pabalik sa kanilang kubo.

Takang-taka si Tiririt nang kinabukasan, maraming tao uli sa kanila. Lahat ay nakatingin sa ginawa niyang saranggola. Tuwang-tuw silang lahat at hangang-hanga sa ginawa niya.

Pagkalipas ng ilang taon, marami nang taga-roon ang gumagawa ng tulad ng ginawa ni Tiririt, kahit hindi na umuwi ang tatay niya na noon lamang niya naunawaang hindi na pala magbabalik dahil nalunod sa ilog.

Pero hindi “saranggola” ang tawag dito ng lahat sa baying iyon. Hindi rin “guryon.” Kalaunan, ang ginawa ni Tiririt at tinawag  ng lahat bilang “parol.”

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Free Internet Chess Server

FICS: Free Internet Chess Server